Sunday, April 22, 2012

Kailan Mo Ba Talaga Gustong MagMove On?

Bukas ba feeling mo OK ka na?
Pagkatapos mo sumumpa sa planner mo, mangako sa iyong mga kaibigan na iyon na ang huling paglalasing mo na iiyak ka dahil sa kanya. Ang pagiging tulala mo sa gitna ng kasiyahan, iniisip na sana katabi mo siya, kasabay tumatawa, matatapos na rin nga ba? Gaganahan ka na bang patulan ang mga pagkaing nasa iyong harapan, at pipiliting ‘di maalala lahat ng sandaling sabay kayong kumakain, at tingin pa lang niya, busog ka na.
Sa pamamaalam mo sa inyong nakaraan, kaya mo bang hindi gumamit ng ibang tao? Na magmomove on ka mag isa mo. Walang rebound. Walang paaasahin. Kasi kung ganu’n lang rin, hindi lang ang iyong sarili ang sasaktan mo, kundi pati puso ng inosenteng tao. At lagi mo lang siyang hahanapin sa taong iyon, kung magkakaroon man ng kung sinong gustong gamutin ang sugatang puso mo. Hindi ka makakalaya sa alaala niya. Pipilitin mo siyang ibalik sa katauhan ng ibang tao. Tandaan mong dapat ay nag iisa ka sa pag aaklas laban sa kadena ng lahat ng pinakamagandang memorya kasama siya. Walang sinuman ang nakakabalik sa nakaraan.
Nakahanda ka na ba kung sakaling bumalik siya ulit? Kapag muli siyang kumatok, magtext at mag-hello? Aya’n ka na naman ba? Nanghihina sa loob ng kanyang mata, natutunaw sa mga ngiti niya. At magsisimula ka na naman sa umpisa, babaunin na lang ang lahat ng hakbang na ginawa mo para makalimot na sana. Magbabakasaling magawa niyo na ngayong magtagumpay. 
Babalik at babalik siya, sa isang kanta, isang lugar, isang nakaraan ngunit ang pinakamahalaga ay ang iyong kontrol sa iyong puso, sa iyong isip at sa iyong sarili na hindi na muling magpatalo sa lahat ng ‘Paano Kung’ kesa sa ‘Paalam Na’ . Huwag mong hayaang habang buhay na sariwa ang iyong mga sugat at minamanhid lang kanyang mga salita. Hindi lahat ng pag ibig pinaglalaban. At hindi dahil sumuko ka na, ay hindi mo na siya minahal. Hindi mo makikita ang malaking larawan ng pag asa kung nakatitig ka lang sa kanya. Subukan mong lumayo, pilitin mong lumayo. Makikita mong piraso lang siya ng iyong pangarap. Minahal mo siya, ginawa mo na ang iyong bahagi sa inyong istorya, sana siya naman.
Kapit lang. Walang hapding panghabambuhay. Minsan, iyong ibang kirot, dulot na lang ng sarili nating pag iisip. Ginusto na natin. Kaya kailan ka kakawala? Kailan ka lalaya sa pagkakabilanggo mo sa nakalipas?
Kung hindi na para sa inyo ang isang kwento, huwag mo nang pilitin pa. Simulan mong tanungin ang iyong sarili kung saan mo ba dapat inuubos ang iyong oras at luha. Kung kailan ka ulit sasaya nang hindi nasasaktan. At kung kailan ka muli magmamahal na hindi dahil sa kailangan mo siyang palitan.
Kailan mo ba talaga gustong magmove on?

No comments:

Post a Comment